Showing posts tagged tawa

July 5, 2012 (Thursday) Ako at si John Paul. Post#1

Kaninang hapon habang malakas ang ulan, may lumapit na bata (10 yearsold) sa store namin. Nakasuot nya sando at manipis na shorts. Nakisilong sya sa harapan ng tindahan namin. Nakatingin siya sa mga tulo sa bubong habang giniginaw. Nilapitan ko siya at tinanong “Oh mukang ayos ang ligo mo sa ulan ha?” Sumagot siya, “Hindi kuya, naabutan lang po ako ng ulan.”

Umupo ako sa tabi nya. Napansin ko na may naka ipit sa short nya na plastic. Tinanong ko ulit siya, “Ano yang dala mo?”

"Ah, bigay po sakin nung ale kanina. Tinapay po." sabi niya.

Tumingin siya sakin at sinabing, “Kuya, pasensya na po pero may damit po ba kayo dyan kahit yung marumi lang po. Isang linggo ko na din po kasi itong suot nabasa pa ng ulan.”

sumagot ako, “Malamang may damit dito, tindahan to ng damit eh!”

Napangiti yung bata. Napaka inusente ng smile nya nang biglang narinig ko na tumunog ang tiyan niya kaya tinanong ko siya ulit.

"Boy, gutom ka na noh? bat hindi mo pa kainin yang tinapay na dala mo?"

"E kuya, pag kinain ko to ngayon, wala na akong hapunan." Sabi ng bata sakin. Nagulat ako sa sinabi niya kaya tinanong ko siya ulit. "Bakit? Hindi ba nagluluto ang mama mo ng ulam?"

"Nung march pa po patay si nanay e. Sa cancer." sabi nya.

"Ay? ganun ba? e si papa mo?" sunod na tanong ko.

Sagot ng bata “Iniwan na kami ng kuya ko ni tatay e. Sumama sa bago nyang asawa.”

Napatigil ako sa sinabi niya.

(Umuulan…. malakas….)

Tinanong ko siya ulit, “Eh san ka nakatira ngayon?”

"Nung dati kay ate jhea po. Ate ko po siya dun sa unang asawa ni tatay. Kaso, pinapalo kami nun e. Saka narinig namin dun sa asawa niya na pabigat kami kaya sabi ni kuya umalis nalang kami dun."

Natigilan nanaman ako.

Niyaya ko siyang kumain dun sa tapat ng tindahan namin. Sabi ko sa kanya, pagkatapos niya kumain, bumalik siya sa tindahan at bibigyan ko siya ng damit.

Nakalimutan kong kunin yung sukli dun sa bayad namin sa kinain nya.

Habang naghahanap ako ng damit na kasya sa kanya, bumalik siya sa tindahan dala-dala yung sukli ng bayad namin. Walang labis, walang kulang.

Napatingin ako sa kanya habang umuupo siya sa sahig ng tindahan namin.

Tinabihan ko siya sa pag-upo sa sahig. Nagkwentuhan kami. Tinanong nya ako tungkol sa mga damit na binebenta ko at sa kung anong inaral ko.

Sabi ko, tapos ako ng nursing pero nagtitinda ako ng damit. Tawa siya ng tawa dahil ang alam daw nya e pag nurse naka-puti na uniform sabay sabing “Kuya, ako gusto ko po maging teacher.”

Napatigil na naman ako dun.

Tinanong ko siya kung saan siya nakatira. Sabi niya kasama daw niya ang kuya nya. Meron daw silang maliit na dampa (Konting plywood na may bubong na lona o yung parang tarpaulin) na nasa loob ng paradahan ng jeep.

Nagulat din ako dahil ang kuya niya ay isang 13 yearsold din na bata.

Sabi ko sa sarili ko. “Putang ina, sobrang kawawa naman ng batang ‘to.”

Habang nagpapatugtog ako at nagaasikaso sa mga customer, nakita ko yung bata na nakatulog na sa sahig. Suot-suot na nya yung damit na binigay ko sa kanya. Siguro dahil na din sa pagod, puyat, lungkot at pagkahapo kaya nakatulog na siya sa malamig na sahid ng tindahan namin.

Ginising ko siya, sabi ko “hapon na… baka hanapin ka ng kuya mo.”

"Ay, Oo nga. wala na din ulan! Galing! hehe" sabi niya.

Paalis na siya ng tindahan namin nung bigla siyang bumalik. Sabi niya sa akin, “Kuya, Thank you po sa t-shirt saka sa tanghalian…”

Patakbo siyang umalis ng tindahan namin…

habang ako naman e sinusundan siya ng tingin.

Sabi ko sa sarili ko. Masuwerte parin ako dahil naalagaan ako ng mga magulang ko nung bata ako. Nakapag-aral ako at may bahay na natutulugan.

Hindi ko to ishineyr dahil gusto ko ipaalam kung gaano ako kabait.

I shared this story kasi totoong nangyari ‘to sa akin.

Hindi ko makakalimutan ang batang yun na si John Paul.

Things I like